THE AMBASSADORS, HINAKOT ANG KAMPEONATO!

Cabanatuan City- Itinanghal nga bilang kampeon ang High School Department ng Manuel V. Gallego Foundation Colleges (MVGFC) sa katatapos na High School Dance Battle 2023 kahapon, Abril 1. Ginanap ang sagupaan ng galing at husay sa pagsayaw sa NE Pacific Mall sa siyudad mismo ng Cabanatuan.

Ayon sa tagapayo ng grupo at guro na si Mark Moya, “Hindi po naming lubos akalain na kami ay makakapasok lalo pa’t malalaking mga unibersidad at kolehiyo sa lalawigan ng Nueva Ecija ang aming nakalaban.”

Lubos naman ang kagalakan ng buong komunidad ng MVGFC dahil sa karangalang inuwi ng kaniyang mga mag-aaral. Patunay kasi ito na kahit maliit ang kolehiyo ay holistic ang approach nito pagdating sa student and learning development.

Ang nasabing taunang paligsahan ay pinondohan at sinuportahan ng opisina ni Nueva Ecija Governor Aurelio Matias Umali at ng opisina ng Provincial Tourism.

Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na humakot ang nasabing kolehiyo ng pagkilala. Sa larangan naman ng kaniyang kaguruan, kamakailan lamang ay itinanghal bilang Most Outstanding Woman in the Field of Private Education ang dekana ng Institute of Teacher Education (ITE) nito na si Dr. Ruth C. Alfonso.

Hindi talaga maipagkakaila na iba ang tatak at alagang Gallego. At dahil dito, mukhang marami pa tayong dapat abangan sa mga susunod na buwan at taon. Dahil sa husay na naipapamalas ng MVGFC, hindi lamang ito ang kaniyang mararating. ### 

Hawak ni Mark Moya ang dambuhalang tropeyo ng kanilang pagkapanalo.


Masayang tinanggap ng The Ambassadors ang bunga ng kanilang sama-samang pagtitiyaga, pagod, at pagsisikap.

Ang The Ambassadors kasama si Rachell Musngi, prinsipal ng MVGFC High School Department.

 

Hinggil sa blogger:

Guro ng Agham Panlipunan at Panitikan sa Manuel V. Gallego Foundation Colleges si R.B. ABIVA. Awtor ng labintatlong (13) libro ng mga tula, maikling kuwento, dagli, at nobela. Kritiko, editor, iskultor, pintor, mamamahayag, tagasalin, multi-lingual, at premyadong makata. Nalathala na ang mga akdang pampanitikan sa Diliman Review, Liwayway, Bannawag, Agos, at marami pang iba. Nagtapos ng kolehiyo sa PUP at kasalukuyang tinatapos ang kanyang MA- Malikhaing Pagsulat sa Paaralang Gradwado ng Kolehiyo ng Arte at Literature sa Unibersidad ng Pilipinas- Diliman. Tumanggap ng fellowships: Palihang Rogelio Sicat, 2018; Cordillera Creative Writers Workshop, 2018; Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop, 2019; UP National Writers Workshop, 2019; Palihang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, 2021; at Luntiang Palihan, 2022. Hinirang ng GUMIL- Filipinas, Bannawag Magazine, at NCCA bilang Pasnaan 9 Outstanding Fellow. Nakasungkit na rin ng karangalan mula sa Saniata Prize, LIRA Prize, at marami pang iba. Ginawaran ng Distinguished Service Medal Award ng Order of the Knights of Rizal (OKOR) ng Pinakamataas na Konseho ng kapatirang maka-Rizal dahil sa kanyang aktibong pagtataguyod ng panitikan sa lalawigan ng Nueva Ecija. Siya ang nagtatag ng Samahang Lazaro Francisco (SLF) at aktibong kasapi ng Philippine PEN, LIRA, Kataga, Gumil- Filipinas, Order of the Knights of Rizal, at Nueva Ecija Odd Fellows Lodge No. 38. Kolumnista sa The Baguio Chronicle.
 

 

Comments

Popular Posts