TARA! SALI NA MGA ASPIRING WRITERS & PHOTOGS!
ni R.B. Abiva
Sa kauna-unahanang pagkakataon ay ikakasa ng Manuel V. Gallego Foundation Colleges (MVGFC), opisina ng Community Extension and Outreach Program (CEOP), at Institute of Teacher Education (ITE) ang Unang Palihang MV Gallego sa Malikhaing Pagsulat at Potograpiya. Layunin nito na mahasa ang likas na kakayahan at talento ng mga kabataang Novo Ecijano at makalikha ng isang creative and safe space para mailayo ang mga kabataan sa mga hindi magandang gawain.
Nangyari ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng MVGFC at Schools Division Office of Cabanatuan City sa pangunguna ng masipag at matalino nilang Schools Division Superintendent na si Catalina P. Paez, PhD, CESO V. Sa ginanap na Management Committee Meeting ng kanyang distrito ay kanya pa mismong binigyan ng oras ang MVGFC para maipaliwanag ang mekaniks ng palihan kung saan ginawaran din ng kanyang opisina sina Maria Victoria Victa, RSW (OIC ng MVGFC CEOP), Rene Boy Abiva (Fakulti ng ITE), at ang buong MVGFC dahil sa aktibo nilang pagtataguyod ng kagalingan ng mga bata sa pamamagitan ng literasiya.
Inaasahang dudumugin ang
nasabing palihan, dahil maliban sa naglabas ang SDO Cabanatuan City ng isang kautusan,
ay talaga namang powerhouse ito. Para sa palihan sa malikhaing
pagsulat, pangungunahan ito ng kilalang makata at manunulat na si Rene Boy
Abiva habang sa palihan sa potograpiya naman ay itataguyod ito ni Jefferson
Ortiz, kasalukuyang direktor ng MVGFC Creatives. Gaganapin ang palihan sa
mismong MVGFC mula 9 ng umaga hanggang 3 ng hapon sa pamamagitan ng face-to-face. Mayroong namang P200.00 na magsisilbing registration na sasaklawin na mismo ang apat na araw ng palihan.
Tatangkain ng nasabing palihan na makapaglabas ng isang coffee table book na kinatatampukan ng mga bagay at lugar sa Cabanatuan City na may kaugnayan sa kultura at kasaysayan ng lugar.
Nais linawin ng MVGFC na ang mga hakbang na ito ay bahagi lamang sa mga kampanya nitong palakasin ang local literacy at pagtataguyod pang lalo sa mga dakilang simulain ng tagapagtatag ng eskwelahan na si Dr. Manuel Viola Gallego, ang kauna-unahang sekretaryo ng Kagawaran ng Edukasyon at unang ambassador ng Pilipinas sa United Nation (UN).
Talaga namang hindi na matatawaran ang pag-abante ng MVGFC kaya para sa mga wala pang napipili kung saan sila mag-aaral ngayong paparating na Unang Semestre ay inaanyayahan kayo ng MVGFC na bisitahin ang kanilang mga opisina.


Comments
Post a Comment